04:56:23
October 21, 2009
ni Cesar S. Guevarra
Sa halos tatlong dekadang pagiging siklista; matapos ang labis sa 'sandaang timpalak na kung saan ay nalibot na niya ang buong bansa, tila iba ang pakiramdam ni Reynante noong umagang iyon.
Kung ihahambing sa simula ng iba niyang nasalihang karera, wala ang gaan ng katawan na siyang pirmi niyang hinahanap sa simula ng pagpadyak. Kung noong nakaraan ay maliksi at listo na siya habang ginagawa ang kanyang warm-up routine sa starting gate, ngayon ay parang malutong kada buto at mahigpit lahat ng kasukasuan. Pati ang kanyang bisikleta ay may kakaibang bigat—luma na rin naman, kung ihahambing sa mga gamit ng ibang siklista doon na gawa sa kung anong hi-tech na materyales—gayunpaman, sa tagal ng pinagsamahan nila ay ngayon lang niya nadama ang ibayong bigat na taglay ni Bagwis (ngalan ng kanyang bisikleta, na kung anong gulang ay siya ring dami na ng remedyong nailapat na dito).
Pero nandoon na eh. Ilang saglit pa ay kumalat na ang panawagan para sa pag-puwesto sa start line. Isang huling pagsiyasat sa mga kagamitan, isang huling pag-unat ng mga braso, paa, at katawan, isang maikli ngunit taimtim na dasal at sumabay na si Reynante sa ibang pang kalahok patungo sa starting grid. Lumingon siya sa paligid at agad niyang napansin na kakaunti na ang pamilyar na mukha. Mas madami ang mga bagitong halatang-halata ang kaba sa ikinikilos: naihambing niya sa isang pusang malapit nang masagasaan ang labis na takot na nakita niya sa mata ng isang binatilyo sa kanyang kaliwa; sa kanan naman ay halos masuka na sa kaka-ubo ang katabi na sa tantiya niya ay nasa bandang trenta y singko ang edad. Naisip niyang mabuti at may ganung tanawin, nawala sa kanyang isip pansamantala ang kakaiba ngang pakiramdam.
Matapos ang ilan pang sandali ay dumating na ang hudyat para sa simula. Pinaputok ng kung sinong opisyal ng munisipalidad ang pistola at ang mga siklista'y umusad na parang bahang lalamon sa kahit anong may lakas ng loob (o katangahan) na humarang dito. Si Reynante ay nasa gitna ng delubyo.
Sabay ng unang padyak ay pinagana niya ang timer ng kanyang relo.
00:00:00
"Ito na naman tayo", wika ni Reynante sa sarili habang maingat na iniiwasan ang libong bisikleta sa paligid.
"Panginoon, bigyan Niyo po ako ng lakas at iiwas sa sakuna."
Sa ganitong pagkakataon ay imposibleng magkulang sa dasal ang isang tao.
00:34:19
Nagsimula nang maghiwa-hiwalay ang mga siklista. Ang mga malalakas pumadyak ay namamayani sa unahan, ang mga walang ganung lakas ay nasa huli. Nasa huling bahagi ng lead pack si Reynante, komportable sa pace at wala pang nakikitang dahilan upang makipagsabayan sa mga leader. Malalim nguni't kalmado ang kanyang pagtuon ng atensyon sa kada sipa sa pedal.
Sa kanyang kanan, gumising na ang haring araw at sumilip na nang bahagya ang mga mata nito sa ibabaw ng Cordillera. May hamog pang nakabitin sa tila walang katapusang palayan sa paligid; sa kada paghila ng hinga ay may kasamang amoy ng nasusunog na dayami ang hangin. Sa gilid ng daan ay may ilang tao na ring nagwawalis ng bakuran o nag-iigib na tubig. Tumitigil ang mga ito ng panandalian sa kanilang gawain para tingnan kung anong kaguluhan ang nagaganap. Nang makita ang isang pamilyang nakadungaw sa bintana ng kanilang bahay, biglang naisip ni Reynante ang kanyang mag-anak.
Binata pa siya ng magsimulang mawili sa pagbibiskleta at ito ay hindi nahinto kahit pa ng magpakasal sila ni Linda at dumating na ang kanyang panganay na si Donna. Noong mag-isang taon ang anak, nag-pasya si Reynante na itigil muna ang pagbibiskleta dahil nakaramdam siya ng pagod sa paghati ng panahon sa anak, asawa, at sa kanyang malambing na tinatawag na bisyo. Pero hindi nagtagal sa bodega ang kanyang bisikleta.
Umalis siya sa kanyang trabaho sa pabrika ng plastik at naipasok ng tiyuhin ni Linda bilang security guard sa isang department store sa Makati. Upang makatipid sa pamasahe ay naisip niyang magbisikleta na lang papunta sa trabaho at pabalik sa bahay. Valenzuela pa-Makati, Makati pa-Valenzuela. Anim na araw kada linggo.
Sa trabaho ay nakilala niya si Fred, na lider ng isang cycling club ng mga security guard ng mga building malapit sa kanilang pinapasukan. 'Di nagtagal ay naging kasapi si Reynante ng club at sa mas maikling panahon ay kasali na ulit sa mga karera. Mabait at maunawain si Linda at mabuting ama at asawa naman si Reynante kaya't maigi naman ang naging takbo ng mga bagay-bagay.
01:16:43
Mataas-taas na rin ang araw at nawala na ang lamig na bumalot sa mga siklista noong mga unang bahagi ng biyahe. Ang medyo kulay abo na itsura ng kapaligiran ay pinalitan na ng bahagyang nakasisilaw na dilaw. Ang amoy ng dayami ay unti-unti na ring naging amoy ng panggatong—habang ang lahat ay abala sa paghanda ng almusal. Mas marami na rin ang mga taong nagmamanman sa kanila; pati ang ibang mga magsasaka'y pansamantalang umahon sa palayan upang manood.
Bumaba ng kaunti sa middle field si Reynante. Kung sa anong dahilan ay bigla niyang naramdaman na hindi siya makasabay sa lead pack kaya siya nagdesisyon na bawasan ang bilis at magpahinga muna.
Apat na taong-gulang si Donna ng ipinanganak si Jun. Maligaya si Reynante sa pagdating ng isang lalaking anak. Bukod sa paghayo ng kanyang apelyido ay naisip niya na may tagapagmana na ang kanyang bisikleta. Nakakatawa nga at nauna pang napaglaunan ng pera ni Reynante ang bisikletang pambata ni Jun kaysa sa kuna nito. Sa patnubay ng Panginoon ay maayos naman ang pamumuhay ng pamilya. Kumikita si Linda sa pananahi at paminsan ay sa panininda ng meryenda't kakanin, si Reynante naman ay may nakukuhang dagdag kita kapag siya ay nakalulugar ng maganda sa isang karera. Hindi pa siya nananalo, pero masaya naman siya sa paglahok lamang at hindi na rin masama ang paunlak sa mga placer. Payak man ito ay masaya ang pamilya Lobrido sa kanilang pamumuhay.
02:07:12
Malapit na sa tirik ang araw. Hindi pa naman masakit sa balat, pero dama na ang init. Sa bahaging ito ng biyahe ay malayo na sila sa sentro ng pangunahing pamayanan ng lalawigan, kaya't mangilan-ngilan na lamang ang bahay sa paligid at mas madalang na ang mga taong nanonood sa mga siklista. Sa parehas na panig ng kalsada ay iisa ang kulay na pumupuno sa mga mata ng maninikad: luntian. Sa pagitan ng lima o mahigit na kilometro ay may lilitaw na babuyan o manukan, at ang hangin ay dagliang nagiging hitik sa halimuyak ng duming-baboy o duming-manok. Nakasusulasok, pero di tulad ng pananakal ng usok ng jeep, bus, o bulok na trak na may kargang tubo.
Mabigat ang paghinga ni Reynante. Napaisip siya sa simula, nang makaramdam siya ng kakaiba, at sa unang pagkakataon ay nakaramdam siya ng duda. Mula sa unahan ng middle field ay nasa dulo na siya nito; maiiwan kundi niya tututukan ang pagsipa. Nilabanan niya ang pagod at humugot ng mahabang lagok sa dalang inumin.
Ang pinakamataas na nakamit ni Reynante sa larangan ng pamimisikleta ay ang 4th place overall sa Tour of Luzon. Bukod sa karangalang dala nito ay may kasama ring may kasapatang cash prize, na siyang nilaan niya agad sa pondong pang-edukasyon ng mga anak. Binilhan din niya si Linda ng mas-makabagong makina sa pananahi at ito ay nakapagbukas ng maliit na dress shop. Nasa kalagitnaan ng high school si Donna ng mga panahong iyon at si Jun naman ay nasa elementarya. Higit sa pagkamit ng isang sukat ng tagumpay ay labis ang kasiyahan ni Reynante at siya ay nakapagtustos sa pamilya.
03:42:26
Mainit. Iyon na ang lahat. Mainit. Ang hangin, ang kalsada, ang ruweda, ang upuan, lahat. Mainit. Bukod sa paningin at pandama, patay na ang iba pang pakiramdam. Wala ka nang maamoy kundi init; wala nang madinig kundi ang hirap na pagtibok ng iyong puso; walang malasahan kundi ang pait ng uhaw.
Ubos na si Reynante. Mula sa dulo ng middle field, ngayon ay halos hindi niya na makita ang pinakahuling siklista ng nahuhuling grupo. Pantay pa rin naman ang kanyang mga padyak, ngunit sadyang napakabagal na ng mga ito. Nakatutok na ang sweepers sa kanya, tangay ang isang ambulansya kung saan nakadungaw na ang medical personnel, handang lumukso sa kanyang saklolo oras na kailanganin. Tumingila si Reynante na parang bang nagsusumaamo sa kalangitan. Kung sa anong milagro ay biglang tinakpan ng mga ulap ang araw at panandaliang nagbigay ng silong.
Nitong mga huli, bagama't ayaw niyang isipin ito, ay hindi na totoong nakasasabay pa si Reynante sa mga kasamang siklista din. Sa edad na sisenta y siete ay siya na ang pinakamatandang aktibong siklista sa grupong iniikutan niya. Ngunit hindi pa rin biro ang takbo niya sa mga karera, madalas ay nasa top 20 finishers pa rin siya at nauuna sa mga kasamang wala pa sa kalahati ng kanyang edad. Kung tutuusin naman ay tila naglilibang na lamang siya. Si Donna, kung kanino ay may dalawa na rin siyang apo, ay nasa ibang bansa kung saan siya ay nagtatrabaho bilang doktor. Si Jun ay may isa na ring anak. Siya naman ay isang arkitekto na konektado sa isa sa pinakakilalang firms sa bansa. Napalaki ng maigi ang mga bata, naging mabuti silang tao; may takot sa Diyos, malasakit sa kapwa, at, higit sa ano pa man, walang limot sa payak na pinanggalingan. Lumaki rin ang dress shop ni Linda at siya ay may labindalawang mananahi na. Sila ay tumatanggap ng order sa isang department store—ang department store na kung saan ay nanilbihang security guard si Reynante ng beinte y sais anyos.
04:56:23
Isa nang kumot ng matinding liwanag ang bumabalot sa kapaligiran. Pati ang paghinga ay mahapdi at sadyang napakainit na ng hinihigop mong hangin. Nagsimula nang lumabas ang mga imaheng pang-malikmata, parang nangangantiyaw ng alok ng tubig sa mga siklistang sagad na ang pagod at uhaw. Wala ni isang ulap, parang mga tupang sinuway ng pastol pabalik sa kanilang kulungan. Kahit ang luntian ng mga palayan ay walang maibigay na panandalian man lamang na kalamigan—kahit man lamang sa mga mata.
Si Reynante ay ang pinakahuling siklista; mahigit dalawang kilometro ang agwat sa kanyang sinusundan.
Nag-isip ito ng kumbaga'y isang dahilan na kahit siya ay obligadong tumalima.
"Magagalit sa akin ang mga bata pag nalaman nilang sumali na naman ako dito. Mabuti pa yata ay..."
Mahigit pa sa kalahati ang natitirang dapat takbuhin, pero sa wakas ay inamin na ni Reynante sa sarili na hindi niya na kaya. May nakikita siyang distance marker sa kalayuan, at pagtingin sa relo ay nabatid niyang wala pang apat na sandali ay ika-limang oras na ng kanyang biyahe. Saglit siyang nag-isip kung kaninong hudyat ang susundin.
Matapos ang ilan pang sipa ay tinaas ni Reynante Lobrido ang kanyang kaliwang kamay upang ipagbigay-alam sa mga opisyal na nais niya nang huminto. Dali-daling sumugod sa kanya ang rescue team at tinangka siyang alalayan.
"Nais ko lamang pong huminto na, ngunit hindi ko pa naman po kailangan ng saklolo. Maraming salamat po sa inyo."
Humingi siya ng tubig at pagkatapos ay tumungo sa lilim ng isang puno ng kamatsile sa may tabi ng daan. Sinandal niya ang bisikleta sa puno at umupo sa isang bungkos ng mga ugat nito. Hinubad ni Reynante ang kanyang sapatos at humingi muli ng tubig at basang tuwalya. Sabay nito ay ang kanyang pagtanong, "Oras ko?"
Wala namang siyang oras at hindi niya natapos ang karera, pero dininig siya ng isang batang opisyal, "Kulang-kulang tres minutos para sa limang oras po, tatay."
"Distansya?"
"Siento singkwenta y sais po."
"Pwede na 'yan", wika ni Reynante. Ngumiti siya, at, 'di antala ang kasalukuyang kalayuan sa pamilya, o marahil ay dulot nga mismo nito, ay nagpahayag, "Masaya ako."
"Ano po 'yun, 'tay?"
"Panalo pa rin."
---
The Hump
Time flies so quickly nowadays, that we fail to appreciate the simplest things and moments in our life. The week just started, and we can’t wait for it to end.
Take a breather. Slow down. Pause. There’s a Hump in the middle of the week, and that is Wednesday.
>>>>Nakuha kOh lang ito sa internet,,,inilagay kOh lang sa blogger kOh......un ang kahiligan kOh mula pa nung una,,,un bang pag may nagandahan akOh kukunin kOh saka kOh ididikit sa nOtebook ko o kaya ipopost kOh<<<<<









0 comments:
Post a Comment