BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS »

Friday, April 23, 2010

Talipandas LOVE QUOTES (http://jumpingsalad.wordpress.com/)


Hindi natin kelangang maranasan ang lahat ng bagay para lang mabigyan tayo ng pagkakataong magsalita tungkol sa marami pang bagay, kahit pa ’yung mga hindi natin kabisado. Para sa akin, kulang ang isang habambuhay para matutunan natin ang lahat ng dapat matutunan.

Kaya nga minsan, nagsasalita tayo tungkol sa isang bagay kahit kulang ang alam natin. Kadalasan nga, wala tayong alam. Mas madalas naman, mali ‘yung mga nasasabi natin. Masarap ding magsulat tungkol sa mga bagay-bagay na mahirap maintindihan, kagaya na lang ng pag-ibig.  Just for the heck of it.

A

1. Puso ang hayaan mong magkontrol ng buhay mo, lalo’t pagdating sa mga bagay na gusto mo. Pagdating sa mga bagay na ‘di ka sigurado, puso ang pairalin mo. Kung magmamahal ka, puso pa rin ang sundin mo.
Kailan mo gagamitin ang utak? Bago ka pa ipahamak ng puso.

2. Hindi dahil nasa itaas ang utak at nasa mas mababa ang puso ay utak na ang masusunod at laging tama. Madalas kung sino pa ‘yung mga nasa itaas, sila pa ‘yung pahamak.

3. Kaya nasa itaas ang utak ay para may makakita ng mga bagay na hindi nakikita ng puso sa ibaba.

4. Kung bakit nasa itaas ang utak ay para magsilbing watchtower at magbantay sa pusong nasa ibaba.

5. Ano ang pagkakaiba ng utak at puso? Ang puso, magmamahal kahit may banta ng sakit. Ang utak naman, hangga’t maaari  iiwas ‘yan sa sakit. Magtataka ka ngayon kung bakit ang isang tao ay pilit pa ring magmamahal kahit nasasaktan na.
Dahil ang tao, meron ngang utak na nakakapag-isip, may puso namang inboluntaryong pumipintig.

B

Hindi laging tama ang kasabihang, “Huwag mong bibitawan kung ayaw mong makitang hawak ng iba.”

6. Kahit ‘di mo kayang makitang hawak ng iba ang isang bagay, kelangan mong bumitaw lalo’t kapag kailangan na. May tamang oras at panahon para tapusin ang isang bagay na dapat ay nagwawakas na.

7. Hostage ang tawag sa taong hindi mo na gusto pero pilit mo pa ring kinakasama;  ‘di mo magawang mabitawan dahil ayaw mo lang makitang hawak ng iba.

8. Sa isang pagsasamang dapat ay nagwawakas na, dapat alamin mo kung bakit hindi mo s’ya magawang bitawan: “‘Di mo ba s’ya kayang makitang hawak ng iba?” o “Ayaw mo lang s’yang makitang hawak ng iba?

C

9. Kaya pinipiling umibig ng tao ay dahil gusto n’yang magmahal at gusto n’ya ang pakiramdam ng nagmamahal. Hindi na mahalaga kung ‘di man s’ya gusto ng minamahal n’ya. Nagmamahal ang tao dahil gusto n’ya ang ginagawa n’ya.

10. Bakit kapag maganda ang titser, ganadong pumasok sa klase ang mga bulakbol?

11. Hindi mo na kelangang malaman pa kung ‘pag-ibig na ba‘ o ‘paghanga lang pala‘ ang iyong nararamdaman. Ang mahalaga ay natutulungan ka ng inaakala mong pagmamahal.

12. Hindi masamang maniwala sa maling akala, o  magtiwala sa tamang hinala. Nangyayari lang ang mga kamalasan kapag nagsimula ka nang maniwala na totooang mga akala at hinala mo.

13. Umiibig tayo dahil tayo’y tao at ang tao’y likas na nakakaramdam. At kung bakit tayo’y pilit umiibig ay dahil gusto natin ang pakiramdam.

 D

Hindi ako naniniwala sa kasabihang “Huwag mong hahawakan kung alam mong bibitawan mo lang.”

14. May mga bagay na hindi na natin gustong malaman pa kung ano ang mga posibleng kahantungan. Dahil sa unang pagkakataon pa lang na atin s’yang maranasan, gusto na agad natin s’yang magtagal.

15. Ang isang tao ay maligaya dahil mayroon s’yang dahilan para maging maligaya. Ang mahalaga ay may sagot sa tanong kung bakit s’ya napapangiti nang mag-isa.

16. Sa subject na Love, ang pagtatapos at pagwawakas ay hindi mga possibilities o theories; sila ay application practice.

17. Lahat ng naghihiwalay sa huli ay hindi inisip [sa unang sila'y magkita] na maghihiwalay din lang pala sila sa huli.

18. Hindi laging tama ang kasabihang “huwag mong hahawakan kung alam mong bibitawan mo lang” dahil may mga bagay na sadyang mahirap hulaan kung ano ang kahahantungan.

19. Hindi basta tatawa ang tao kung ang tunay na dahilan ay mangyayari pa lang.

20. Kapag sinubukan mong hulaan kung “hanggang kailan magtatagal” ang isang bagay na nagbubukas pa lang, pina-plano mo na agad kung paano s’ya maisasara.

20. Kahit pa mabusisi mong pagplanuhan ang mga bagay-bagay, wala ka pa ring kasiguruhan lalo kung habambuhay na ang haba ng panahon na pinag-uusapan.

21. Hindi naman mali ang kasabihang ‘Huwag mong hawakan kung alam mong bibitawan mo lang.’ Sa katunayan, angkop at nababagay ang paalalang ito sa mga hindi seryoso, sa mga taong “naglalaro lang.”

E

22. Hindi totoong  may mga biktima ng pagkahulog sa pag-ibig. Kung bakit ka umiibig ay dahil hinayaan mo ang sarili mong mahulog sa bangin ng pag-ibig.

23. Hindi ka mapapapunta sa isang sitwasyon kung hindi mismong ikaw ang papasok. Kung ayaw mo namang aminin na ikaw ang mismong pumasok, pwede rin namang may iba lang na nagtulak sa iyo papasok sa loob.

24. Hindi totoong may nabubulag sa pag-ibig. Sa totoo lang, ‘yung mga umiibig sa ‘panget’, tanggap naman nila sa sarili nila na ’panget’ ang kanilang napili.

25. Maaari ngang may aksidente pagdating sa pag-ibig.
Bakit kapag binato mo sa mata ang isang tao, anlaki ng tsansang tumama nung bato sa mata? Eh sa mata na nga n’ya tatama, hindi pa n’ya nakita?

 F

26. Ang pag-ibig ay isang bangin. Bawa’t tao ay may kanya-kanyang kahuhulugang bangin; bawa’t bangin, magkakaiba ang lalim. ’Yung ibang tao, walang katapusan na mahuhulog sa bangin ng pag-ibig.

27. Alam mo ba ang pakiramdam ng nahuhulog ng walang katapusan? Ganun daw ‘pag umiibig. Ang nakakatakot lang, hindi natin alam kung kelan, o kung mararating pa ba natin ang pinaka-kailaliman.

28. Mahuhulog tayo sa kanya-kanya nating bangin. Hindi natin alam kung hanggang kelan, at kung gaano kalalim ang ating huhulugan. Dapat mong malaman na mas masakit ang bagsak kapag sa mas malalim na bangin ka malalaglag. 

29. Kapag ma-swerte ka, ‘yung bangin na kala-laglagan mo ay may naghihintay sa ibaba — may matiyagang nag-aabang para lang saluhin ka. Minsan kapag talagang mas ma-swerte ka, hindi lang isa ang nagbabantay sa ibaba; mamimili ka pa ng sasalo sa ‘yo.

30. Kapag narating mo na ang ilalim ng bangin, ibig sabihin, tapos ka nang umibig. Maaaring masaktan ka sa pagkakalaglag, maaari ding hindi; depende sa lalim ng iyong nilakbay at tayming ng iyong pagbagsak.

 G

Ito naman ang aking paniniwala sa kahalagahan ng dalawang kamay sa paghawak:
31. Hindi porke dalawa ang kamay ng tao ay kaya na nitong humawak ng dalawa o higit pa. Minsan, kahit ang isang bagay ay nag-iisa lang, kailangan mong gamitan ng dalawang kamay dahil masyado s’yang malaki o mabigat para gamitan lang ng isang palad.

32. ‘Pag may hawak ka, gamitan mo ng dalawang kamay para protektahan s’ya; kahit pa alam mong kaya mo s’yang pagkasyahin sa isa. Hindi rin mabubuhay ang isang bagay kung masasakal lang s’ya.

33. Ang isang bagay kahit gaano pa kaliit kung titingnan, gagamitan mo ng dalawang kamay kung kinakailangan.
 Ang isang pag-ibig ay maihahalintulad sa ibon: Kapag hinigpitan mo ng hawak, masasakal at pwedeng mamatay; kapag naman niluwagan mo ng hawak, pwedeng makaalpas at makawala.

34. Dalawa ang kamay natin pero iisa lang ang kaya nating hawakan nang mabuti. Isa lang din ang kaya nating alagaan nang maigi. Kung inaakala mong ang mga bagay na pinagsasabay mo ay nahahawakan mo nang maayos, mali ka. Isa lang ang tunay na hawak-hawak mo; paghipo o paghaplos lang ang ginagawa mo sa iba.

H

Sabi ni BO, ang pag-ibig parang elevator: “‘Wag kang makikipagsiksikan kung wala nang pwesto para sa ‘yo.” Tama.
35. Kung puno na ‘yung elevator at wala nang pwesto para sa ‘yo, pero sa kanya mo gustong sumakay, dapat matutunan mong maghintay. Babalik naman s’ya eh. Bakit ka magtitiyaga sa hagdan kung alam mong hindi ka rin lang magiging masaya sa pag-akyat kasama s’ya?

36. ‘Wag kang magmadali. Alam mo, lahat ng umaalis may sariling paraan din ng pag-uwi. At sa kanyang pagbabalik, maaaring libre na s’ya – kagaya ng elevator na ngayo’y solong-solo mo na — at may pwesto na para sa ‘yo. ‘Wag kang magtitiyaga sa hagdan kung hindi mo rin naman talaga gustong maghagdan.

37. ‘Wag mong ipagsisiksikan ang sarili mo sa isang lugar na wala nang pwesto para sa ‘yo. ‘Wag ka ring magtitiyaga sa ibang lugar kung saan alam mong hindi ka rin lang magiging masaya. Kung talagang gusto mo ang isang bagay, matututo kang maghintay para sa kanya.

38. Kahalintulad ng isang walang-kamatayang elevator, wala namang ibang mapupuntahan ang isang umakyat kundi rin lang sa ibaba; kaya dapat alam mo kung paano at saan maghihintay. Pero kung talagang hindi para sa ‘yo ang elevator na hinihintay mo, hahanap ka ng ibang elevator.
Summary 1:
‘Wag mong ipagsisiksikan ang sarili mo sa elevator kung wala nang pwesto para sa ‘yo. ‘Wag ka ring magtitiyaga sa hagdan kung ‘di ka rin lang magiging masaya sa pag-akyat sa hagdan. Kung talagang gusto mong sa elevator sumakay, matututo kang maghintay sa pagbabalik n’ya. Pero kung talagang hindi para sa ‘yo ang elevator na hinihintay mo, hahanap ka ng ibang elevator.
Summary 2:
‘Yung hagdan kasi kahit saan pwede mong makita; ‘yung elevator, bihirang mahanap; ‘yun namang escalator, hindi laging meron. Dapat pumili ka kung meron ka namang mapagpipilian. Ganundin sa pag-ibig; Hindi ka dapat nagtitiyaga sa pwede na.

I

39. Kung bakit may matatandang-dalaga ay dahil may labis na nahuhumaling sa tadha-tadhana.

40. Kaya naman may nagkakamali sa pagpili ng kapareha ay dahil may labis na naniniwala sa astrolohiya. Tama bang ihambing ang tibok ng puso sa mga kilos ng mga planeta?

J

41. ‘Pag talagang ayaw sa ‘yo ng taong type mo, ‘wag ka nang magpumilit. Nasa kanya ang problema at wala sa ‘yo. Malamang aesthetically-blind s’ya; hindi s’ya mahilig sa mga katulad mong maganda/gwapo.

42. Kapag ayaw sa ‘yo ng taong type mo, ‘wag kang malungkot. Ang gawin mo, pumunta sa pinakamalapit na botika at bumili ng Eye-Mo. Hindi naman talaga s’ya gwapo o maganda, nabulag ka lang n’ya.

K

43. Hindi porke panget ang isang tao ay hindi na s’ya pwedeng mamili ng maganda o gwapo. Wala naman kasi talagang panget o gwapo. Bawa’t tao ay may kanya-kanyang pamantayan ng pagtingin sa maganda’t gwapo.

44. Kahit gaano pa kaganda ang isang tao, kung ‘di mo naman gusto, wala tayong magagawa. ‘Di natin pwedeng pilitin ang isang tao na magustuhan ang isang taong hindi naman n’ya tipo.

44.a.  Walang kinalaman ang pagiging panget mo sa pagiging pihikan ng puso mo.

44.b.   Hindi kasalanan ng itsura mo kung maarte man ang panlasa mo.

45. Ang konsepto ng maganda at panget ay custom-made at naka-pattern sa magkakaibang panlasa ng tao. Kung merong standards tungkol dito ay imbento na lang ng mga nagmarurunong.

46. ‘Pag may nagsabi sa ‘yong panget ka, ganito ang isagot mo para maiba:
“Ikaw pa lang ang nakapagsabing panget ako. Ibig sabihin ba nito ay hindi totoo sa akin ang mga kaibigan ko, o ikaw lang ang hindi nagsasabi ng totoo?”

L

47. Hindi ganda o itsura ang batayan para mapansin ka ng ibang tao, kundi ang mismong galing mo sa pagpapansin.

48. ‘Wag mong sabihin na walang nagkakagusto sa ‘yo. Hindi mo lang alam, sa napakaraming gabing nagdaan at lumipas sa mundo, marami ka na ring hindi pinatulog.

49. Nagkakataon lang talaga na marami sa mga taong may-gusto sa ‘yo ay hindi mo rin gustong magkagusto sa ‘yo. Kaya inaakala mong walang-nagkakagusto sa ‘yo ay dahil ang atensyon mo ay nakakatutok lang sa mga taong gusto mo.

50. Minsan, may nagkakagusto sa atin na gusto rin naman natin; pero hindi lang natin mapagbigyan dahil may ibang tao pa tayong gustong unahin sa ating wish list.

M

51. Bakit ka kamo single? Kasi hindi ka nakikita at napapansin ng ibang tao. Kaya walang pumapansin sa ‘yo ay dahil walang nakakapansin sa ‘yo. Magpapansin ka kasi.

“If you want to be loved, be lovable.”          - Publius Ovidius Naso (43 BC – AD 17)

52. Hindi porke nakikita ka ng maraming tao ay “nakikita ka nga” ng mga ito.

53. Ang isang dahilan kung bakit hindi ka napapansin ng iba ay dahil mas pinipili mong maging karaniwan at estranghero sa mga mata nila. Minsan hindi natin alam, mas pinipili nating makilala at “mapasama sa bilang” kesa “matawag sa indibidwal nating pangalan.”
Parang ikaw at ako. Hindi kita kilala sa mismong pangalan mo, pero kasama ka sa tinutukoy ko kapag inawit ko na ’yung kantang may lyricsna “Two many billion people…”

54. Kung nagpapansin ka pero wala pa ring pumapansin, baka hindi lang benta ‘yung style mo.

55. Kung nagpapa-pansin ka pero hindi ka pa rin pinapansin ng pinag-papa-pansinan mo, tigilan mo na. Nangangahulugan lang na hindi s’ya karapat-dapat para sa pakikipaglaban at pagpapakahirap mo.

N

56. Kung gusto mo ang isang tao, ipakita mong gusto mo s’ya. ‘Wag mo lang kalilimutang ipa-intindi sa kanya kung ano ang tunay mong motibo: pangmatagalan ba ‘yan o init lang ng katawan? Dapat malinaw sa inyo ’yan para sa huli wala kayong sisihan.

57. Hindi kasalanan ng tao na magpalupig sa tukso. Kaya nga naimbento ang pagkakasala at pagpapatawad. Mas maituturing kong kasalanan ang magpa-abuso at paulit-ulit na magpatalo sa tukso.

58. Hindi dahil libre ang paggamit ng “sorry” ay gagamitin mo na s’ya palagi.  Pwede ngang gamitin nang paulit-ulit ang “sorry.” ‘Yun nga lang, ang pasensya ng tao na pinag-gagamitan ng sorry, limitado at nauubos.

59. Sa isang relasyon, ang pagkakasala ay parang isang lisensya. Bawa’t isa ay mayroong lisensya para makagawa ng pagkakasala sa kanya-kanyang kapareha.

60. Ang paghingi ng “sorry” ay pagre-”renew” ng lisensya para makagawa uli ng panibagong pagkakasala.

61. Kapag hindi mo pa nare-renew ang “lisensya” mo para makagawa ng panibagong pagkakasala, at gumawa ka na kaagad ng panibagong kasalanan, pwedeng ma-revokeang lisensya mo.

62. Kung bakit paulit-ulit na nagkakasala ang isang tao ay dahil napagbibigyan s’ya sa mga nauna pa n’yang kasalanan.

O

63. Kaya masaya ang tao ay dahil may mga dahilan s’ya para maging masaya.

64. Napakaraming dahilan para ka maging masaya. Bakit kelangan mong isakripisyo at isuko ang napakaraming dahilan na ito para lamang sa iisang tao?

65. Kung ang isang taong mahal mo ay maraming dahilan para lumigaya, tanungin mo ang sarili mo: ‘Maaapektuhan kaya ang kabuuang kaligayahan ng taong ito kapag nawala ako?

66. Kung gusto mong ikaw ang maging pinakamalaking dahilan ng kaligayahan ng isang tao, siguruhin mong masasaktan s’ya nang todo at manghihinayang s’ya nang husto kapag nawala ka sa kanyang mundo.

P

67. Ang tunay na umiibig ay ‘yong nagmamahal ng sarili. Hindi pagmamahal [kundi katangahan] ang hindi pag-iiwan ng bait sa sarili kahit kaunti.

68. Hindi sukatan ng pagmamahal ang pagpapalipas ng gutom kapag hindi dumating sa tagpuang restoran ang iyong minamahal. Kung matagal dumating ang ka-date mo, kumain ka na habang may gana ka pa; Para kung hindi man s’ya sumipot, at least solb ka na. Kung late man s’yang dumating pero tapos ka nang kumain, saka mo naman s’ya pagsilbihan at asikasuhin.

69. Mahalin mo ang sarili mo nang higit sa pagmamahal mo sa iyong sinisinta. Dapat kang mag-ingat sa pag-aalay ng pagmamahal ‘pagka’t hindi posibilidad na iwanan ka ng minamahal mo; laging merong pag-asa na maghiwalay kayo.

70. ‘Wag mong ibibigay ang buong buhay mo para sa isang tao. Para kahit Diyos na ang magsabing “kelangan nang maghiwalay kayo,” may sapat kang lakas para itaguyod ang sarili mo ng solo.

71. Hindi sukatan ng pag-ibig ang labis na pagpapakahirap para sa minamahal. Paano kung sa sobra mong pagpapakahirap at pagpapakapagod ay bumigay ang katawan mo? Eh ‘di pahihirapan mo naman ang mahal mo sa pag-aalaga sa ‘yo.

 Q

72. Kalahati lang ng puso mo ang ibigay mo, kalahati lang din ang hingin mo sa kanya. Sapat na ang dalawang kalahati na ‘yun para makabuo ng isang pusong tumitibok at bubuhay sa inyong pareho.

73. ‘Wag buong puso ang ibibigay mo. Kasi kapag buo ang ibinigay mo at hindi n’ya maalagaan, baka ikamatay mo pa.

74. ‘Wag magpapaka-martyr. Masamang i-sakripisyo ang kalusugan para sa pag-ibig. Gusto mo ba ‘yung nag-aalala nang husto ang mahal mo sa malubhang sinapit ng kalagayan mo?

R

75. Hindi ako naniniwalang kelangan mong ikutin ang buong mundo para makaharap ang taong tinalikuran mo na. Sapagka’t alinman sa inyong dalawa ay pwedeng humarap para maayos kaagad  ang problema.

76. Hindi mo kelangang libutin ang buong mundo para makaharap ang taong tinalikuran mo na. Hindi naman ginawa ang apat na direksyon, ang abante’t paatras, at ang papunta’t pabalik para makulangan tayo ng dapat gawin.

S

77. Sa oras na ikaw ay umibig, wala kang pakialam sa mga tanong na bakit. Maaaring hindi ka interesado sa tunay na dahilan, o talagang hindi mo alam ang tunay na dahilan. Kaya siguro sinasabi ng iba na ang pag-ibig ay katangahan dahil hindi na mahalaga pa ang anumang paliwanag.

78. Walang maling tao sa mata ng nagmamahal. Kaya kapag sinabi mong ang umibig sa maling tao ay katangahan, ingat ka; Marami kang makakalaban.

 T

79. Maling sabihin na matigas ang ulo ng isang tao. Sapagka’t ang utak ng tao ay pwedeng kontrolin at pwedeng pasunurin nang naaayon sa gusto mo. Higit sa lahat, pwede mo s’yang utusang ‘wag mag-isip.

80. Ang puso ng tao ang sadya at likas na matigas, hindi ang ulo o ang utak.  Kahit anong utos mo sa puso, hindi ka n’yan pakikinggan. Kahit anong gawin, hindi natin ‘yan mapipigilan sa pagtibok at pagpintig.

0 comments: